Saturday, July 09, 2005

BAYAN KO: LABAN O BAWI?
By Jose F. Lacaba


May mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman sila mga Amboy na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa. Pero nitong mga nakaraang araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na mag-immigrate sa Canada o Australia. Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila. Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad, kapag matagal-tagal nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT.

At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling survey ng Weather-Weather Station, 69 porsiyento ng ating mga kabataan--at siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng kamatayan--ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O kaya'y X-Men. O kahit na Hobbit. Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa Yaya Sisterhood. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa Barangay Bagong Bakuna.

Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito'y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko, kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf, at SWAP (Samahan ng mga Walang Atik at Pamasahe). "Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang Diosdado Macapagal Avenue," himutok ng mga nawalan na ng pag-asa. Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules.

Takang-taka ang mga kaibigan ko't kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: "Bakeeet?!" At ang ikalawa'y: "Is that your final answer? Do you sure?" Ganito ang sagot ko sa kanila. Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela. Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo. Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror ng kotse mo. Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos, puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay. At kahit superpobre ka at walang mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan ng bundok ng basura ang barungbarong mo.

Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang sa makikita mo ay ang iyong sarili. At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng kapalpakan at kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang bikini car wash. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng kababaihan. Nawalan nga ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na lang, baka mas malaki pa ang kanilang kitain.

Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan, hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store. Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya'y maraming mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon. Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa ang bagsak nila. Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa ibang bansa. Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang "sexual landscape" sa pamamagitan ng retrato, poster, painting, libro, at pelikula, na mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin.

Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan, at pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs at sa kalaunan ay magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga manonood, na paglabas ng sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila, na dahil walang condom ay magsisilang ng sanggol na may AIDS, at pagkatapos... Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang Pilipino? Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu?
*******************************************

Those who profess to favor freedom
and yet deprecate agitation
are men who want crops
without plowing up the ground;
they want rain without thunder and
lightning.
They want the ocean without the
awful roar of its waters.
This struggle may be a moral one
or it may be a physical one
or it may be both moral and physical
but it must be a struggle.
Power concedes nothing without a
demand
It never did, and never will."

- Fr. Pedro V. Salgado, O.P.(The Philippine Economy: History and Analysis, 1985)

1 comment:

  1. Ang gusto ko sa pinas, masarap magtawanan. Ang galing magpatawa ang pinoy...nakakatawa talaga sila magjoke around. Mamamatay ka talaga sa tawa.

    At saka ang sarap ng mangang hilaw, lalo na yung pinakamaasim na manga at isasawsaw sa bagoong (o alamang?). Kaya yung pinsan ko sumipsip ng half a lemon. Kayang-kaya kasi sanay sa maasim na manga.

    Ano pa ba.


    Nga pala, gaano ba talaga kasama ang trapik sa atin? Mahirap ba talaga? Nakakapaghirap ba ng buhay. Kung walang trapik, gaanong mabuti ba ang magiging buhay ng ordinaryong pinoy?

    Maraming salamat po.

    ReplyDelete

I welcome all comments but will NOT publish those from "Anonymous" Users. We are in a democracy, do not keep your head in the sand. (Vulgar: Do not be a chickenshit.)